“AH WALA ‘TO, NAHULOG LANG AKO SA HAGDANAN,” ang sinabi ng babae matapos makita ng kanyang mga kaibigan ang pasa sa buong katawan.
“Alam ko magbabago rin siya, ako kasi may kasalanan kaya ako sinaktan.”
Pilit na tinatago, pinagtatanggol at pinagtatakpan.
Ngunit hanggang saan hahantong ‘to? Hihintayan pa ba niyang magsara ang kanyang mata sa bubog?
Kailangan pa ba niyang makitang sinasaktan din ang kanyang mga anak, bago siya magising?
E, pano kung sa dalas ng pambubogbog ay nagdilim ang kanyang paningin at napatay ang kanyang walang kwentang asawa?
May pananagutan ba siya sa batas?
Eto ang tinatawag na Battered Woman Syndrome (BWS).
Ang BWS ay bagong konsepto sa ating batas. Ito ay kasama RA 9262 o “Anti-Violence Against Women and their Children” ang batas na naglagay sa ating mga lalaki bilang second class citizen.
Ayon sa RA 9262, ang babaeng merong BWS ay walang pananagutan sa batas, kriminal man o sibil, kahit kulang ang elemento ng self-defense. Tinalakay natin ang tatlong elemento ng self defense: (1) Unlawful aggression, (2) Reasonable necessity of means employed at (3) Lack of sufficient provocation.
Alam natin na dapat lahat ng elementong nabanggit ay kumpleto, kundi bagsak mo ay sa kalaboso. Pero lahat ay may exception, at eto ang BWS.
Ano ba BWS?
Ang BWS ay ang sintomas na makikita sa isang babaeng nabubuhay sa relasyon na kung saan lagi siyang sinasaktan ng kanyang kinakasama upang ipagawa ang bagay na hindi niya gusto.
Dapat ang pananakit ay mangyari ng dalawang beses o higit pa. Kapag ginawa siyang punching bag ng ikalawang beses at hindi pa rin natauhan, masasabing ang babae ay meron nang BWS.
Ang mga babaeng may BWS ay may karaniwang katangian tulad ng pagiging mababa ang tingin sa sarili (low self-esteem), may tradisyonal na pagtingin sa tahanan na kung saan ang lalake ang nasusunod at emosyonal na umaasa sa kanyang kinakasama.
Ang mga babaeng may BWS ay naniniwalang sila ang dahilan o tumatanggap ng responsibilidad kung bakit sila sinasaktan at bulag na umaasa na magbabago pa ang kanyang asawa o karelasyon at bubuti pa ang kanilang sitwasyon.
CYCLE OF VIOLENCE
Ang BWS ay may karakter na tinatawag na “cycle of violence” na nahahati sa tatlong yugto (3 Phases):
1) Tension-Building Phase – Ito ay ang maliliit na pananakit na ginagawa sa babae. Konting mura, batok at kanti. Ang babae sa ganitong yugto ay nagpapakita ng mahabagin ugali (kind and nurturing behavior) sa pamamagitan ng hindi pagpalag o gumawa ng protesta upang hindi na lumala ang pagtatalo.
Ngunit ang totoong nangyayari, na hindi alam ng babae, ay pinapahiwatig niya sa kanyang kinakasama na ayos lang siyang abusuhin at pagbuhatan ng kamay.
Kaya imbes na maiwasan ang pagtatalo ay lumalala pa ang sitwasyon. Tumaas ang tensiyon at tuloy ang pang-aabuso at sinasaktan pang lalo ang babae.
Dahil sa lumubha ang sitwasyon, ang babae ay hindi na nagsasalita at tumahimik na lang (withdraws emotionally). Ngunit sa hindi niya pagsalita, mas nagiging bayolente at mapanakit ang lalaki. Kapag ang pananakit ay hindi na ma kontrol (spiral out of control), papasok ito sa pangalawang yugto.
2. Acute Battering Incident – Sa ganitong yugto, talagang bugbugan na. Nabasag na ang pula. Mata lang ang walang latay.
Parang laban ni Pacman at Cotto. Feeling ng lalake ay siya si Pacman. Ang ganitong yugto ay humahantong sa malubhang gulpehan at minsan pagbuwis ng buhay.
Hindi na kontrol ng babae ang kanyang kapalaran at ang lalake na lang ang maaring tumapos sa pahirap na kanyang ginagawa. Maiisip ng babae na hindi na makikinig kahit sa anong paliwanag ang kinakasama at anumang paglaban ay magpapalala pa lalo ng sitwasyon.
Kaya yun, wala na siyang masasabi kundi “Oh my gulay!”
Sa lupit ng kanyang tinamo, hindi na niya halos maramdaman ang sakit ng mga suntok, tadyak at batok, ngunit maari niyang maalala ang bawat detalye ng boxing pagkatapos ng laban. Pumasok sa isipan niya na mas malakas (physically) ang kayang kinakasama kaya wala nang saysay pa ang lumaban.
Siguro kapag natauhan na si loko o napagod rin kaka-flying kick at kaka-somersault, kaya inihinto na rin niya ang “SmackDown” . Dito na papasok ang susunod na yugto.
3) Tranquil Period – Matapos maghalo ang balat sa tinalupan, dahil sa nagawa, magpapakita ng awa at pagsisisi ang lalake. Aamuhin ang kinakasama na kamukha na ni Dela Hoya matapos gulpihin ni Pacquiao. Sasabihin ng lalaki na babawi siya sa ginawa at hindi na ulit gagawin ang Smackdown, sabay tulo ng luha sa pisngi na parang maamong tupa.
Syempre, ang babae naman ay mananalig sa sinasabi ng kayang kinakasama. Naniniwala ang babae na siya lamang ang tanging “anchor” ng “emotional stability” ng lalake. Mararamdaman ng babae ang pag-iisa at desperasyon ng lalake kaya naiisip niya na siya ang may responsibilidad na pangalagaan ang relasyon. Naiisip ng babae na kailangan siya ng lalake.
Ang ganitong yugto na mataos na pagsisi at pagbabati (remorseful conciliation) ang pinakamahirap na karanasan para sa babae psychologically kung saan siya ay nagdudusa.
Pero ang totoo ay maliit o walang nang pagkakataon para magbago ang lalake lalo na kung mananatili ang babae sa ganong relasyon. Karaniwan ay magpapatulong lang ang lalaki sa isang propesyonal kapag iniwanan na siya ng babae bilang paraan para siya ay bumalik uli.
Kaya kung titignan, sa totoo lang, ang nang-aabuso at inaabuso ay kailangan ang isa’t-isa emotionally. Ang lalake para sa kanyang “nurturant behavior” at ang babae para sa kanyang “foregiveness“.
Underneath this miserable cycle of “tension, violence and forgiveness,” each partner may believe that it is better to die than to be separated. Neither one may really feel independent, capable of functioning without the other.
Lufet…
BWS AS A DEFENSE
Hindi porket may BWS ang isang babae ay may karapatan na siyang tagain ang kayang kinakasama habang natutulog o putulan ng ari. Aray ko po!
Hindi man kumpleto ang elemento ng self-defense, dapat ay meron ang mga ito:
1) Ang bawat isang yugto ng cycle of violence ay napatunayan na nangyari sa dalawa o higit pang pagkakataon bago ang krimen.
2) Ang final acute battering episode bago ang krimen ay nagdulot sa babae na maisip na nanganganib na ang kanyang buhay (actual fear of an imminent harm) laban sa nambubugbog na kinakasama, at talagang naniniwala ang babae na dapat siyang gumamit ng pwersa upang sagipin ang kanyang buhay (honest belief that she needed to use force in order to save her life).
3) Sa oras ng pagpatay, ang nambubugbog ay maaring magbigay ng matinding pananakit (posed probable grave harm) sa babae – na hindi kinakailangan na immediate or actual – base sa mga dati pang pangyayari o insidente ng pambubugbog.
NOT IMMEDIATE OR ACTUAL
Kung mapapansin hindi kailangan ang immediate or actual threat sa BWS. Eto ang pinagkaiba sa ordinaryong self-defense.
Sa ordinaryong self-defense, dapat ay talagang may ginagawang masama at labag sa batas ang napatay sa nakapatay para ma-justify.
Sa BWS, “pose probable grave harm” ay sapat na dahil iba na ang utak o estado ng pag-iisip ng babaeng lagi nang binubugbog.
Lagi na siyang takot at talagang para sa kanya ay naiisip niya na sasaktan siya at maari siyang mapatay ng kanyang kinakasama dahil dati na niya itong nagawa, kahit sa totoo lang, ang intensiyon lang talaga ng lalake ay kurutin siya sa singit dahil sa wakas ay maglaladlad na siya.
Kaya yun, napatay si mokong.
CONCLUSION
Kaya para sa mga martir, huwag mo nang hintaying mapatay ka o patayin mo siya. Hindi na magbabago yan, maniwala ka.
Para sa mga ungas naman diyan, bakit pa kailangang mong manakit? Hindi mo mapapatunayan ang iyong pagkalalake kapag sinapak mo ang kasama mo.
Sabi nga nila, ang babae hindi sinasaktan, kundi minamahal….aw!
————
“Sometimes separation can be a powerful attention-getting boundary if you’re fully ready to use it.”
-Karla Downing, from book “10 Principles for Women in Difficult Marriages”
Source: RA 9262, People vs. Genosa, G.R. No. 135981. January 15, 2004.